Neri Naig finally breaks silence after legal ordeal

Neri: “Hindi ko talaga inakala na mapapasama ako sa Most Wanted sa Pilipinas.”

Neri Naig speaks up after syndicated estafa case junked

Actress-businesswoman Neri Naig on jail experience: “I know many of you are waiting for me to tell my side of the story. When the time is right, I will… But for now, let me just say this: It was a nightmare. Isang pagsubok at bangungot na hindi ko kailanman malilimutan.” (Right photo) Neri dons the yellow BJMP uniform and cap while escorted by jail officials.
PHOTO/S: Courtesy: Instagram

Matapos ang halos apat na buwang pananahimik tungkol sa legal ordeal na kinaharap niya, sa unang pagkakataon ay naghayag ng kanyang saloobin ang actress-businesswoman na si Neri Naig Miranda.

November 23, 2024, inaresto si Neri sa basement ng isang convention center sa Pasay City dahil sa 14 counts of violation of Securities Regulation Code at syndicated estafa case na isinampa laban sa kanya.

Sa kanyang Instagram ngayong Biyernes, March 21, 2025, binalikan ni Neri ang pinagdaanang pagsubok at pinasalamatan ang mga taong hindi umiwan sa kanya.

NERI NAIG: NO. 7 MOST WANTED IN THE PHILIPPINES

Hindi raw lubos-maisip ni Neri kung paano siya napasama sa Most Wanted List sa Pilipinas.

Base sa anunsiyo ng pulis noon, “Rank #7” siya sa listahan ng mga wanted sa police “station level.”

Pagbabalik-tanaw ni Neri (published as is): “Hindi ko talaga inakala na mapapasama ako sa Most Wanted sa Pilipinas…

“Tinawag akong magnanakaw, manloloko, at scammer.

“Never naman akong nagtago. Palagi nga akong nasa palengke, sa mga talks, at kahit saan pa—I have always been visible, hindi lang sa social media.”

Ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 ang kasong syndicated estafa na inihain laban sa actress-businesswoman.

Alam daw ni Neri na marami ang naghihintay ng kanyang pahayag matapos siyang mapawalang-sala ng korte. Gagawin daw niya ito sa takdang panahon.

Pero hindi raw niya akalaing mararanasan niya ang arestuhin ng mga pulis at magsuot ng uniform ng isang bilanggo.

Isa raw itong malaking bangungot sa isang kagaya niya.

Businesswoman Neri Naig (in yellow shirt with cap) escorted by police officers to Pasay City Jail Female Dormitory after judge postponed former actress' arraignment for 14 counts of violation of Securities Regulation Code, estafa, and syndicated estafa. M

Businesswoman Neri Naig (in yellow shirt with cap) escorted by police officers to Pasay City Jail Female Dormitory after judge postponed former actress’ arraignment for 14 counts of violation of Securities Regulation Code, estafa, and syndicated estafa last November 28, 2024. 
Photo/s: Courtesy: GMA News on Facebook

Saad niya sa kanyang post: “I know many of you are waiting for me to tell my side of the story. When the time is right, I will.

“O kung kailangan pa bang ikwento ang lahat—mula sa pagdakip sa akin, sa kahihiyan, sa pagkakadetain, at sa agarang paglipat sa BJMP, kung saan dali-dali akong pinasuot ng yellow uniform.

“But for now, let me just say this: It was a nightmare. Isang pagsubok at bangungot na hindi ko kailanman malilimutan.”

NERI NAIG ON KEEPING HER SILENCE

Mas pinili raw ni Neri na manahimik kahit kung anu-anong masasakit na salita ang ibinato sa kanya.

Aniya: “Sa kabila ng lahat—the labels, the ridicule, the judgment—I chose silence. Because I’ve learned that when we are in pain, it’s easy to say things we don’t mean.

“Pero hindi ako yun. I refuse to let anger or hurt define me.

“Some celebrated my lowest point, ginawa pa akong content para pagkakitaan. They judged me, questioned me, and discredited my hard work.”

Pinasalamatan naman ni Neri ang mga taong hindi naniwala sa mga akusasyon sa kanya, hindi siya tinalikuran, at patuloy siyang sinusuportahan.

Saad niya: “But there were those who stood by me, defended me, and lifted me up without asking for anything in return—I see you, I appreciate you, and I hope one day, I can do the same for you.

“Sa lahat ng naniwala, sumuporta, at nagdasal para sa amin, maraming, maraming salamat po!

“To those who felt even the smallest impact of our kindness, thank you. You remind me that goodness still exists in the world.

“I always tell my kids: The best investment in life is kindness. Hindi mo agad-agad makikita ang balik, pero darating at darating ito sa tamang panahon.

“Minsan, pakiramdam natin, hindi tayo pinapansin ni Lord kasi sunod-sunod ang pagsubok. Pero minsan, He’s just busy fixing things behind the scenes.

“And in every storm, He sends His Army of Angels.

“This time, kayo ‘yun.

“Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal, suporta, at panalangin. Hindi ko ito malilimutan….”


 

NERI NAIG CALLS HUSBAND CHITO MIRANDA her “hero”

Binigyan din ni Neri ng malaking pagpapahalaga ang hindi pagbitaw sa kanya ng asawang si Chito Miranda, na tinawag niyang “hero ng buhay ko.”

Aniya: “At sa asawa ko, ang hero ng buhay ko—NEVER mo akong iniwan since day one.

“It was a rollercoaster of emotions, at sobrang kapit ko sayo dahil bagsak na bagsak ako. Pero yung pagmamahal mo, yun ang nagbigay sa akin ng pag-asa.

“Hindi ka sumuko at umuwi hanggat hindi mo ako kasamang umuwi sa mga bata.[heart emoji]

“Sabi mo, mababait pa rin ang mga tao, kahit hindi ko iyon makita sa mga panahon na yun.

“Life moves forward, and so will we.”

Sabi pa ni Neri, kahit hindi siya maituturing na “wais” sa mga panahong dumaan siya sa pagsubok, isa lang ang sinisigurado niya — hindi siya kailanman nanloko.

Giit ni Neri: “Hindi man ako naging Wais sa sitwasyong ito, pero kailanman, never ako nanloko, nanlamang, or nagnakaw sa kahit sino.

“At sa pagdapa ko, unti-unti akong babangon—at makikita ang lesson na gustong ipakita ni Lord sa akin. (heart emoji)

“Your Most Wanted Wais na Misis,

“Neri Miranda”

Neri Naig's open letter
Noong March 6, 2025, nag-renew ng kanilang wedding vows sina Neri at Chito sa okasyon na rin ng kanilang 10th wedding anniversary.